Sabado, Hulyo 27, 2013

HIV/AIDS: Mga Stigma o maling kaalaman tungkol sa pagpapasa

Dapat ring malaman na hindi naipapasa ang sakit na HIV/AIDS sa mga sumusunod:
  • kuwentuhan o sosyalan
  • hiraman ng damit at ibang kagamitan
  • hawak
  • hiram na kutsara at tinidor
  • halik at yakap
  • paggamit ng palikuran
  • kagat ng lamok
  • luha
  • laway
  • pawis
  • pagtira o pagtatrabaho kasama ang isang taong may HIV o AIDS
  • paggamit ng manicure set ulad ng nailcutter, pusher at nipper

Sabado, Hulyo 20, 2013

HIV/AIDS: Mga common na paraan ng pagpapasa

Ang impeksyon na dulot ng HIV ay nakaka-alarma at maging ang patuloy na pagdami ng nagkakaroon nito sa kahit na anong kasarian. Ang pagpapasa ay sa pamamagitan lamang ng mga likido tulad ng – dugo, semen, precum, rectal fluids, vaginal fluids, at gatas ng ina na positibo sa HIV. Ang mga likidong ito ay dapat lamang magkaroon ng contact sa mucous membrane o damaged tissue (matatagpuan sa loob ng rectum, vagina, opening of the penis at sa bibig), at direktang pagturok sa bloodstream ng isang tao upang makapanghawa. Madaling maiwasan ang impeksyon na dulot ng HIV sa mga sumusunod na paraan;
  • Hindi protektadong pakikipagtalik sa tao na positibo sa HIV o ang tinatawag na UNPROTECTED sex (sex without condom) sa pamamagitan ng anal sex, vaginal sex at maging oral sex (kung ito ay may sugat),
  • Pagsasalin ng dugo ng isang HIV+ sa ibang tao (Blood Transfusion),
  • Pagdo-donate o pagbibigay ng mga internal organ ng isang HIV+ (Organ Donation),
  • Pagbubuntis, Panganganak, Pagpapasuso ng Gatas ng Ina sa Anak, (Mother to Child Transmission), at
  • Paggamit ng karayom na naiturok sa ibang tao na positibo sa HIV.
Sa mga nabanggit na paraan mabilis na naipapasa ang HIV sa ibang tao. Isang maling pag-iisip na ang HIV ay isang communicable o contagious disease kung saan maaring makapanghawa o makapagpasa sa pamamagitan ng pag-ubo, pag-bahing at maging ang tilamsik ng laway. Hindi rin ito naipapasa sa mga pang-araw-araw ng gawain tulad ng pakikipag-kamay, pakikipagyapusan at pakikipaghalikan. Hindi rin makakahawa ang ang paggamit ng toilet seats, pag-inom sa baso, pagsalo sa pagkain at paggamit ng mga utensils ng taong positibo sa HIV. At, higit sa lahat hindi tulad ng dengue ang HIV ay hindi nabubuhay sa mga lamok.

HIV/AIDS: Paano maiiwasan?

Ang HIV o AIDS ay maaaring iwasan sa pamamagitan ng mga sumusunod:
1. Pag-iwas sa pagkakaroon ng maraming katalik:
     Ang pagkakaroon ng maraming ka-sex ay higit na mapanganib at mataas ang tsansa na mahawa sa iba't ibang uri ng STI/STD lalo na ang HIV/AIDS. Disiplina at kontrol sa sarili ang susi upang maka-iwas sa pagkakaroon ng maraming katalik. Ang higit na edukasyon at tamang kaalaman tungkol sa HIV/AIDS at iba't ibang uri ng STD/STI ay makatutulong rin upang maiwasan ang pagkakaroon nito.
2. Proteksyon sa pamamagitan ng tamang paggamit ng "CONDOM":
     Isang paraan upang maiwasan ang pagkakaroon ng HIV/AIDS at STD/STI ay ang tamang paggamit ng "condom". Kung ang isang tao na "sexually active" ay gumagamit ng "condom" mas nagiging mataas ang tsansa nyang maiwasan ang pagkakaroon ng HIV/AIDS o STD/STI.
3. Pag-iwas sa droga na tinuturok (Drug Injection):
     Isa rin ang paggamit ng mga droga na tinuturok ang dahilan sa mabilis na pagkalat ng HIV/AIDS. Ito ay sa dahilang ang mga tao o grupo ng taong gumagamit ng ganitong uri ng droga ay kadalasang naghihiraman ng karayom. Sa pamamagitan nito, ang isang taong HIV Positive ay maipapasa ang Virus sa sinumang susunod na gagamit ng karayom.
  
4. Maagang pagsuri at paggamot sa STI o sexually transmitted infections

5.  Tamang kaalaman at edukasyon

Biyernes, Hulyo 19, 2013

HIV/AIDS: Mga posibleng Sintomas

Kung sa palagay mo may HIV/AIDS ka, mas makabubuting magpa-test o sumangguni agad sa mga Doctor para sa karagdagang kaalaman pangkalusugan. Sa topic na ito ipapakita ang mga possibleng sintomas ng isang tao na may impeksyonng dala ng HIV.

Walang kasiguraduhan kung paano at gaano kabilis ang paglaganap ng impeksyon ng HIV sa katawan ng isang tao. Ang mga sintomas at palatandaan ay maaring maging asymptomatic habang ang impeksyon ay nasa proseso ng pagdami. Kadalasan ang mga taong nadapuan ng sakit na ito ay nakakaranas ng flulike symptoms o acute retroviral syndrome (ARS) – isang primary infection sa immune system kung saan ang tao ang nagkakaroon ng pabalik-balik na lagnat sa loob ng 2-4 na linggo depende sa natitirang lakas ng resistensya sa katawan ng tao. Ating alamin pa ang ibang possibleng sintomas ng impeksyon dulot ng HIV sa tao.

Fever/Lagnat
Tulad ng naunang nabanggit ang lagnat na pagbalik-balik sa loob ng 2-4 linggo ay maaring maging sintomas. Kung ang lagnat ay hindi bumababa sa 37.5°C (degree Celsius) at may kasamang kakaibang pagod, pamamaga ng lymph nodes at pagsakit ng lalamunan, maaring ang taong nakakaranas nito ay may impeksyon na. Sa ganitong panahon, ang virus ay napupunta sa main bloodstream at  nagsisimula nang kumalat sa katawan ng tao.

Pamamaga ng lymph nodes
Ang lymph nodes ay isang mahalagang parte immune system, at pag ito ay namaga ibig lamang sabihin ay may impeksyon sa loob ng katawan ng isang tao. Ang mga lymph nodes ay matatagpuan sa kili-kili, singit at leeg. Kasabay ng pagkakaroon ng pagang lymph nodes ang pagkakaroon ng muscle at joint pains o mga kasukasuan.

Palagiang pamamaga ng lalamunan
Ang palagiang pamamaga ng lalamunan ay isa rin sa mga possibleng sintomas ng impeksyon lalo pa at may kaakibat ng matinding pagsakit ng ulo. Madalas itong naiihalintulad sa “tonsillitis” ngunit kung ang isang tao ay may impeksyon dulot ng HIV ang pagsakit at pamamaga ng lalamunan ay magiging madalas. Ito ay nagdudulot rin sa isang tao ng hirap sa paglunok at possibleng madebelop ng iba pang fungal infections tulad ng candidiasis o “thrush”.

Skin Rashes
Maaring makita ang skin rashes sa una o huling yugto ng pagkakaroon ng impeksyon. Madaming uri o klase ng rashes sa balat ang maaring dumapo depende sa estado ng immune system. Kadalasan nagsisimula ito sa tila pulang butlig na may pambihirang kati na sa kalaunan ay maari pang magdulot ng sugat sa katawan. Walang partikular na parte ng katawan ito lumalabas, kaya mas mabuting nang sumangguni agad sa mga espesyalista kung nakakaramdam nito.

Pagtatae at Pagkabawas ng timbang
Ang pagtatae ay isa sa mga common na possibleng sintomas lalo na kung ito ay nagiging madalas sa isang tao. Dahil patuloy na kumakalat ang virus sa katawan, natataman at naapektuhan na rin ang digestive system ng tao na nagdudulot ng madalas ng pagtatae at nauuwi sa mabilisang pagkabawas ng timbang.

Tuyong ubo
Ang normal na ubo ay tumatagal lamang dalawang linggo sa isang tao na may maayos at magandang immune system. Ngunit, kung ang tao ay may impeksyon dulot ng HIV, ito maaring  tumagal ng ilang buwan o maaring taon pa. Madalas itong napapagkamalang allergy ngunit hindi  ito natatanggal sa mga commercial na gamot tulad ng antibiotics at antihistamine. Ang matagal na pagkakaroon ng ubo ay maaring mauwi pa sa ibang respiratory problems kapag hindi naagapan tulad ng pneumonia at tuberculosis.

Night sweats
Ito ay ang pagpapawis nang labis habang ang tao ay tulog. Hindi ito normal sa taong may maayos at magandang immune system at hindi ito kumportable sa taong nagkakaroon nito. Ang pagkakaroon ng night sweats ay dahil sa bacterial infection (mycobacterium avium complex, MAC) at ng fungal infection (histoplasmosis), tuberculosis, at ng endocrine disorders. 

Nail discolorations
Ang pagkakaroon ng pagbabago sa kulay ng kuko ay isa sa mga possibleng dahilan. Ang pagbabago ng kulay ay maaring dahil sa fungal infection tulad ng “candida”. Tandaan na ang mga taong may impeksyon ng HIV ay mas lapitin sa mga fungal infections. Kung ang kuko ay naghahati-hati, at nagkakaroon ng tila brown/black na guhit pahalang man o pataas, ito ay maaring sintomas ng fungal infection.

*Isang paalala na ang mga sintomas ng HIV/AIDS ay maaring lumabas bago o pagkatapos maimpeksyon ng virus. Hanggang sa ngayon ay patuloy pa rin kaming nangangalap sa mga possibleng sintomas kaya kung may nais kayong idagdag dito ay maaring mag-iwan lang komento.


Think you have HIV? The only way to tell is to get an HIV test...

HIV1 and HIV2: Ang Pagkakaiba


Ang mahalagang bagay na dapat malaman kung bakit ang HIV ay isang mapanganib at nakamamatay na impeksyon ay ang mabilis na pagkalat nito sa katawan ng isang tao. Kapag ito ay pumasok na sa katawan ng isang tao, ang proseso ng pagkalat o replikasyon ng virus ay mabilisan lalo na kung ang katawan ay walang sapat na paglaban dito.

Sa pagsasaliksik, natagpuang may dalawang klase ng HIV; ang HIV1 at HIV2.  Sa pagtakalay ng usaping ito pipilitin na maipakita ang mga possibleng kaibahan ng dalawang klase ng HIV sa kabila ng magkaparehong paraan ng pagsasalin o “transmission” tulad ng hindi ligtas pakikipagtalik, at blood contact.
  • Ang HIV1 ay pinaniniwaalang nagmula sa mga gorillas at chimpanzees, at ang HIV2 na nagmula sa sooty mangabeys na matatagpuan sa Senegal, Ghana.
  • Ang mga naitalang kaso ng HIV ay higit na mas nakakarami sa HIV1 kung ikumpara sa HIV2. Ito ay sa kadahilanang ang HIV2 ay sa lugar ng west Africa lamang matatagpuan hindi katulad ng HIV1 na laganap na sa buong mundo.
  • Ang mga gamot na napag-aralan tulad ng antiretroviral therapies ay higit na pinagtutuunan ang HIV1 (kung saan ito ay epektibo upang makontrol ang pagkalat ng virus sa katawan ng isang tao) dahil sa ito ay mas pangkaraniwan kumpara sa HIV2.
  • At, ang HIV2 ay mas higit na mabagal ang progreso at mabagal na nakakapagpahina ng immune system ng isang tao kung ihahantulad sa HIV1. Maging ang pagpasa ng HIV2 ay hindi kasing bilis tulad ng HIV1.
Sa kabila ng magkaibang klase ng HIV, maaring magkatulad ang mga sintomas at palatandaan ng impeksyon. Ang dalawang klase ng HIV ay maaring humantong sa puntong tinatawag na AIDS kung ang katawan ng isang tao ay walang sapat na panlaban sa pagkalat ng virus, isang bagay na dapat tandaan at huwag ipagbahala.

Miyerkules, Hulyo 10, 2013

Ano ang HIV/AIDS?

Ang Human Immunodeficiency Virus (HIV) ay isang lentivirus (na kasapi ng pamilyang retrovirus) na nagsasanhi ng Acquired ImmunoDeficiency Syndrome (AIDS o nakukuhang kakulangan sa immune system).

Ang HIV ay humahawa sa mga mahalagang cells sa immune sytem gaya ng nakatutulong na T-cells; na kabahagi ng tinatawag na CD4+ (ito ang cells na lumalaban sa mga virus sa ating dugo at tumutulong upang mapanating maayos ang ating immune system) macrophage, at selulang dendritiko.

Ang impeksiyong HIV ay nagdudulot ng mababang lebel o bilang ng CD4+ na mga sa pamamagitan ng tatlong mga pangunahing mekanismo:
Una, ang direktang pagpatay ng mga impektadong cells;
ikalawa, pagpapadami ng rate ng apoptosis sa mga impektadong cells; at
ikatlo, pagpatay ng impektadong CD4+ (sa loob ng T-cells) sa pamamagitan ng CD8 cytotoxic lymphocyte na kumikilala ng mga impektadong cells.

Kapag ang bilang ng mga CD4+ ay bumagsak ng mababa sa kritikal na lebel, ang pinapamagitan ng immune system ay nawawala at ang katawan ay nagiging patuloy na mas marupok sa mga tinatawag na "opportunistic infection" at mas nagiging malapit sa mga iba't-ibang klase pa ng sakit.

Ano ang kaibahan ng AIDS?

Ang AIDS ay isang kondisyon sa mga tao kung saan ang patuloy ng pagkabigo o paghina ng immune system na maaring magdulot ng panganib sa buhay dahil sa patuloy na paglawak ng mga "opportunistic infection" sa katawan ng isang biktima.

Sa madaling sabi ang HIV ay ang virus na pumapatay sa immune system ng isang tao samantalang ang AIDS ay ang kondisyon ng isang taong patuloy na humihina ang immune system dahil sa mapanganib at nakamamatay na virus, ang HIV.

*Ang karamdamang pangkalusugan na HIV/AIDS ay hindi dapat ipagwalang bahala, katakutan at pandirihan bagkus ay dapat bigyan ng isang malawak na pag-unawa.

Linggo, Hulyo 7, 2013

Ang Pulang Laso

Ano nga ba ang Pulang Laso?

Para sa karamihan ang Kulay Pula ay simbolo ng pag-ibig. Pag-ibig na walang kinikilalang kasariaan, lahi, antas ng pamumuhay, edad at lenggwahe. Kaya't marami sa atin ay paborito ang kulay pula. Ngunit para sa ilan ang kulay na pula ay sumisimbolo rin ng katapangan at galit.

Ang Pulang Laso ay simbolo ng isang adbokasiya laban sa isang karamdaman. Karamdamang ilang dekada ng nilalabanan sa iba't ibang panig ng daigdig,  ang HIV/AIDS. Madaming grupo ang patuloy na nagbibigay tulong, edukasyon at tamang kaalaman upang lubos na maunawaan ang mga iba't ibang paraan upang maiwasan ang sakit na ito na magpahanggang sa ngayon ay patuloy pa ring hinahanapan ng lunas.

Sa Blog na ito, iikot ang buhay ng ilang taong dinapuan ng sakit na HIV/AIDS. Ngunit sa kabila ng mga pagsubok na kanilang kinakaharap. Patuloy pa rin nilang nilalabanan at nakakasilay ng liwanag at bagong pag-asa na makakapagbigay kaalaman at inspirasyon hindi lamang sa mga PLHIV (person living with HIV) pati na rin sa kanilang mga mahal sa buhay.

Sabay-sabay nating pasukin ang mundo ng pakikibaka ng ilan sa mga PLHIV. Upang lubusan nating mauunawaan ang mga pagsusubok at kung paano nila ginawang positibo at kapaki-pakinabang ang paglaban sa HIV/AIDS.

Maaring may mga sensitibong bagay na mababanggit habang binubuo ang blog na ito kaya patnubay at malawak na pang-unawa ang aming hinihingi sa inyo. Buksan ang isipan at maging handa  sa mga kaalamang maaring mapulot upang maipamahagi ng tama sa ibang tao.

Mula kina:
Edge Four, Red Warrior at Dra. Magayanes