Ang kalusugan ay itinuturing na kayamanan hindi lang ng
isang Pilipino kundi ng buong lipunan. Kung ang isang tao ay malusog, ang mga
taong nakapaligid at may malapit na kaugnayan sa kaniya ay magkakaroon ng
kompyansa na makipag-usap, makipag-ugnayan at magkaroon ng personal na relasyon
sa kaniya at may sapat na kompyansa para mabuhay ng masaya, ng may dignidad at
ng may pagtanggap sa lipunang kaniyang ginagalawan.
Kadalasan, ang ganitong senaryo ay hindi tinatamasa ng isang
taong may malalang sakit, lalong-lalo na ang mga biktima ng AIDS na itinuturing
na nakakahiyang sakit o stigmatized disease. Karamihan kasi ng mga nagkakaroon
ng HIV/AIDS ay nakakaranas ng pagtanggi sa kanilang totoong kalagayan,
pagkagalit sa sarili at sa mundo, at depresyon. Marahil ito ay dahil na rin sa
ang HIV/AIDS ay hindi nagagamot at karamihan sa mga taong nagtataglay nito
nakakaranas ng pagtanggi at pag-iwas ng mga dating kaibigan at ng ibang tao,
diskriminasyon sa paaralan, trabaho at iba pang social contexts, at pagbabansag
na sila ay mga bakla o kaya ay drug addict.
Ayon sa Center for Disease Control and Prevention, ang AIDS
(Acquired Immune Deficiency Syndrome) ay isang nakamamatay na sakit na bunga o
dulot ng virus na tinatawag na HIV (Human Immunodeficiency Virus). Ang virus ay
umaatake sa sistema ng panlaban sa sakit ng tao – ang lymphocytes oT-helper
cells. Ito ay isang uri ng white blood cell (leukocytes) na siyang pangunahing
depensa ng katawan laban sa mga sakit. Sinisira nito ang mga bacteria at virus
at iba pang microorganisms na pumapasok sa katawan ng tao. Ang normal values ng
T-helper cells ay nasa 1000 cubic millimeters (20% - 40% of total leukocyte
count). Kapag mas mababa sa 200 ang bilang, ang depensa ng katawan ay humihina,
madaling_kumapit ang iba’t ibang impeksiyon at kanser, at itinuturing nang
indikasyon na ang biktima ay may AIDS.
Ilan sa mga katangian ng taong may sakit na AIDS maliban sa
mababang bilang ng mga T-helper cells ay ang pagiging positibo sa pagsusuri
hinggil sa HIV, ang pagkakaroon ng ilang natatanging karamdamang kagaya ng ‘Kaposi’s
Sarcoma’ (isang agresibong kanser na tumutubo sa balat o sa bibig), Pneumocystis
carinii pneumonia (PCP), Tuberculosis, at iba pang sakit na dulot ng mga fungi.
Maaaring magkaroon ng AIDS ang kahit sinumang tao. Noong
taon 2010, tinatayang 34 milyon na tao sa buong mundo ang namumuhay na may HIV
virus, 1.8 milyon ang namatay dahil sa AIDS, at 271 Filipino OFWs ang naitala
na may HIV/AIDS. Naalarma ang UN upang gumawa ng mga hakbangin para mapigilan
ang pagkalat ng HIV/AIDS at inilagay na layunin ng bawat kasaping bansa na
masugpo ang AIDS hanggang taong 2015 at ang pagkatatag ng UNAIDS bilang
pangunahing kamay ng UN sa pagpigil ng paglaganap at pagmomonitor ng mga kaso
ng HIV/AIDS sa buong mundo
Palatandaan: Kabilang sa mga sintomas ng pagkakaroon ng HIV
at AIDS: i) ang pamamaga ng mga kulani (lymph nodes) na tumatagal ng may mga
tatlong buwan, ii) pag-ubo at pagkakaroon ng lagnat na tumatagal ng may higit
sa isang buwan, iii) pagiging madaling mapagod kahit wala namang ginagawa, iv)
ang pagbaba ng timbang, pangangayayat, v) mga sugat o sakit sa balat na hindi
gumagaling, at vi) ang pagtatae. Maaaring tumagal ang impeksiyon simula 5-10
taon bago maging ganap na AIDS ang sakit. Sa kadalasan, walang nakikitang mga
palatandaan ang isang taong may impeksiyon sa HIV.
Paghawa: Naisasalin ang HIV sa ibang tao sa pamamagitan ng: i)
pakikipagtalik na walang proteksiyon sa isang taong may HIV o AIDS, ii) sa
pagsasalin ng nakontaminahang dugo, iii) sa paghiram ng heringgilyang ginamit
ng taong may HIV/AIDS, iv) paggamit ng mga hindi malinis na karayom ginamit sa
pagpapatattoo o body piercing, at v) ng isang inang may HIV o AIDS sa isang
sanggol sa kapanahunan ng pagdadalantao, panganganak at pagpapasuso.
Ang sinumang napatunayang positibo sa HIV ay maaaring
maisalin o mahawaan ang iba kaya’t hindi siya maaaring magbigay ng kaniyang
dugo, plasma, organ, at semilya. Ang isang taong may impeksiyon sa HIV ay
nararapat lamang na balaan ang sinuman na kaniyang makakatalik tungkol sa
kaniyang pagiging positibo sa HIV. Ipinapayo na gumamit ng proteksiyon gaya ng
paggamit ng kondom. Gayunman, may panganib na mahawa sa impeksiyon kahit na
gumamit ng kondom kapag nabutas iyon.
HINDI nakukuha ang HIV mula sa paghahalikan, laway, yakapan,
pag-ubo, luha, pawis, pagbahing, pakikipagkamayan, paghihiraman ng damit,
pakikisalo sa pagkain, paghiram ng kubyertos, kagat ng lamok o paggamit ng
kubeta.
Pag-iwas at pag-iingat:
A – abstinensiya (pagpipigil at pagtanggi)
B – be faithful (isa lang ang katalik)
C – correct condom use
D – droga iwasan o “don’t take drugs”
E – early diagnosis and treatment (maagang pagpapatingin at
pagpapagamot sa doktor o pagamutan)
Lunas at paggamot: Sa kasalukuyan, wala pang natutuklasang
lunas para sa HIV, subalit maraming pag-aaral ang isinasagawa para sa mga gamot
na magagamit laban sa HIV/AIDS, na maaari ring ganap na lunas o bakuna laban sa
HIV. Tanging sa pagsusuri ng dugo lamang malalaman kung may sakit na HIV
ang isang tao at ito ay lihim o kumpedensyal na isinasagawa. Ang pagsubok ng
HIV ay binubuo ng inisyal na screening sa isang ELISA (enzyme-linked immunosorbent
assay) upang matukoy ang antibody sa HIV. Inuulit-ulit ito at sa final screening
ay ginagamit ang Western blot para sa pagkompirma na positibo ang isang
tao.
Mahalaga ang regular na Vaginal PAP smear upang masubaybayan
ang impeksiyon sa HIV dahil mataas ang panganib na magkakanser sa cervix ang
may HIV. Ang Anal PAP smear ay kailangan din upang malaman kung may posibilidad
ng kanser ang lalaki at babae nahawa sa HIV.
Ang Antiretroviral therapy (ARV), gaya ng mga Protease
Inhibitors ay sumusugpo sa paglala ng HIV virus sa katawan. Ang kumbinasyon ng
iba’t ibang antiretroviral agents na sinasabing may mataas at aktibong ARV
(HAART) ay sinasabing epektibo sa pagpapababa ng bilang ng HIV particles sa
pagdaloy ng dugo na sinusukat sa tinatawag na viral load. Maaari itong
makatulong sa sistema ng panlaban sa sakit ng tao at mapataas ang bilang ng
T-helper cells.
Ang HAART ay koleksiyon ng iba’t ibang uri ng gamot, na may
di-inaasahang epekto sa katawan. Ilan sa mga ito ang pagkahilo, sakit ng
ulo, panlalambot, at pag-iimbak ng taba sa likod at sa tiyan. Kapag ginamit ng
matagalan, ang gamot na ito ay nakapagpapataas ng panganib ng atake sa puso
dahil pinalalaki nito ang antas ng lipids at glucose.
Ang HIV ay may dalawang (2) strain o uri: ang HIV-2 ang
siyang kadalasang natatagpuang strain sa mga biktima ng HIV sa Africa kung saan
matatagpuan ang 70% ng mga taong may HIV/AIDS sa buong mundo. Samantalang HIV-1
strain naman ang kadalasang matatagpuan sa mga HIV/AIDS victim sa Amerika. Isa
sa mga dahilan kung bakit hanggang ngayon ay wala pa ring gamot sa HIV/AIDS ay
dahil sa ang mismong birus ay nagpapalit-palit ng anyo at kadalasang nagtatago
sa mga parte ng katawan na hindi naaabot ng mga gamot na ARV gaya ng utak at spinal
cord. Dahil dito, ang pinakamabisa pa rin na dapat gawin ng isang taong ayaw
magkaroon ng HIV/AIDS ay iwasan ang mga gawaing may mataas ng pagsalin ng HIV
sa kapwa tao. (FNA-Rome).
Ang aming inilalathala ay sadyang gabay lamang. Importante
pa rin ang pagsadya sa doktor o espesyalista na maaari pang magbigay ng iba
pang mga tagubilin ayon sa mga pangangailangan ng bawat pasyente. Sila rin ang
makakapagbigay-linaw kung mayroon pa kayong mga katanungan o pag-aalala tungkol
sa inyong kalusugan.
source:http://www.akoaypilipino.eu/gabay/mga-dapat-malaman-tungkol-sa-hiv-infection-aids